Binigyang-diin ng Commission on Higher Education (CHED) na hindi nila maaaring ipagpaliban ang pagbubukas ng klase sa mga kolehiyo at unibersidad sa buong bansa.
Ayon kay CHED Chairman Prospero de Vera sa isang panayam, hindi saklaw ang mga higher educational institutions sa Republic Act (RA) No. 11480 o ang batas na nag-usog ng school opening sa basic education mula Agosto 24 patungong Oktubre 5.
Paglalahad pa ni De Vera, sa ilalim ng RA 7722 o ang Higher Education Act, nag-iisyu ng mga guidelines ang CHED sa mga unibersidad para sa pagpapasya sa kanilang academic calendar.
Iba-iba rin aniya ang school calendar ng mga pamantasan at inaaprubahan ng kani-kanilang board ang structure ng school year.
“Binibigyan natin sila ng kapangyarihan o authority na magbukas, sangayon sa mga pangangailangan at kalagayan ng mga pamantasan. So hindi kailangan ng bagong policy sa higher [education]. Kasi ‘yung policy na ‘yun, pinapayagan na magbukas sila sa anumang buwan na sila ay handa,” wika ni De Vera.
Sinabi pa ni De Vera, ito ang pangunahing rason kaya inaprubahan ng IATF ang “rolling opening of classes” depende sa delivery mode ng pagtuturo.
Nitong nakaraang buwan nang ipagmalaki ni De Vera na handa na raw ang mga paaralan na magbukas ng klase gamit ang flexible learning approach kahit na humaharap pa ngayon ang bansa sa coronavirus pandemic.