Pinagpapaliwanag ngayon ng Commission on Higher Education (CHED) ang private college sa Quezon City dahil sa iligal na pagsasagawa ng off-campus activity.
Sinabi ni CHED Chairperson Prospero De Vera , na naglabas na sila ng show cause order sa Bestlink College of the Philippines matapos na ipagdiwang ang founding anniversary nito sa isang resort sa Bataan.
Ang nasabing aktibidad aniya ay walang anumang dokumento na naisumite sa kanilang opisina.
Inatasan na rin nito si CHED National Capital Region director Jimmy Catanes na imbestigahan ang insidente kung saan pinagbayad ang mga estudyante habang walang katiyakan ang seguridad sa kanilang sasakyan.
Ilan sa mga reklamo ay ang kawalan ng sasakyan pabalik sa Manila ganun din ang walang sapat na matutuluyan sa nasabing resort.
Naglakad pa ng ilang kilometro ang mga mag-aaral patungo sa resort dahil sa layo ng mga pagpaparada ng mga bus.
Nagsasagawa na rin ng imbestigasyon ang Quezon City Goverment ukol sa nasabing usapin.
Magugunitang noong Pebrero 2017 ng mawalan ng preno ang bus na sakay ng mga mag-aaral mula sa Bestlink patungo sa field trip kung saan bumangga ang bus sa poste ng kuryente sa Tanay,Rizal na ikinasawi ng 15 katao at ikinasugat ng 40 ng mga mag-aaral ng nasabing kolehiyo.