Hinimok ng Commission on Higher Education (CHED) ang mga kolehiyo at unibersidad na i-review ang kanilang kahandaan bago nila buksan ang school year.
Ito’y kasunod ng naging anunsyo ng Department of Education (DepEd) na kanilang ipinagpapaliban sa Oktubre 5 ang pagbubukas ng klase sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa.
Ayon kay CHED Chairman Prospero De Vera, hindi naman obligado ang mga pamantasan at kolehiyo na baguhin at ipagpaliban ang kanilang academic school year opening.
Ito aniya ay sang-ayon sa Republic Act No. 7722 o kilala rin bilang CHED law kung saan pinapayagan ang mga higher educational institutions na magkaroon ng academic freedom.
Paliwanag pa ni De Vera, kung hindi pa raw handa ang mga kolehiyo at unibersidad ay hindi raw ito problema.
“Inuulit ko ang abiso at utos sa mga pamantasan na i-review continuously iyong preparedness niyo, kung di pa handa, wag pipilitin dahil kawawa ang mag estudyante, kawawa ang guro,” wika ni De Vera sa isang panayam.
Inilahad pa ni De Vera na inaalam na raw ng komisyon kung papaano magagamit sa flexible learning ang miscellaneous fees na kinokolekta ng mga private schools.