Hinikayat ng Commission on Higher Education (CHED) ang mga nananawagan ng “academic freeze” na magsumite ng pormal na petisyon upang maipagpaliban ang academic year.
Ayon kay CHED Chairman Prospero de Vera, dapat nakapaloob sa petisyon ang isang pag-aaral na magiging batayan ng academic freeze.
“I suggest those who are proposing any change in the academic policy, do a serious study, compute the cost, look at options, look at the parameters and submit it to the commission,” wika ni De Vera.
Pahayag ito ni De Vera isang araw matapos ang pahayag ng Department of Education (DepEd), na nangangasiwa sa basic education program sa bansa, na mariin nilang tinututulan ang “academc freeze.”
Giit ng DepEd, hindi raw binibigyang-pansin ng mungkahi ang epekto ng mahabang pagkaantala sa learning process ng mga bata.
Una nang hinimok ng CHED ang mga pamantasan at unibersidad na magpatupad ng flexible learning kung saan ang mode of learning ay nakadepende sa resources na available sa mga estudyante at mga guro.
Magagawa ito sa pamamagitan ng online classes, printed at digital learning materials, at iba pa.
Target din ng komisyon na magsagawa ng limitadong in-person classes sa mga lugar na mababa ang risk ng COVID-19 transmission sa Enero.