-- Advertisements --

Inatasan ni Commission on Higher Education (CHED) Chairman Popoy De Vera ang paglipat ng 24 na State Universities and Colleges (SUCs) sa mga “remaining members” ng Commission kasunod ng pagpapatalsik sa isang CHED Commissioner.

Sa isang pahayag, kinumpirma ng CHED na ang Office of the Ombudsman ay nag-utos sa Komisyon noong nakaraang linggo na ipatupad ang desisyon nitong pagpapatalsik kay Commissioner Jo Mark Libre na guilty sa nepotism at grave misconduct.

Upang siguraduhin ang pagpapatuloy ng mga serbisyo at programang pang-edukasyon sa 24 SUCs kung saan nagsilbi si Libre bilang Chairman-designate ng Board of Regents, sinabi ng CHED na si de Vera ay naglabas ng memorandum na naglilipat ng nasabing mga SUC sa mga natitirang miyembro ng Komisyon.

Tungkol kay Libre, sinabi ng CHED na ang Ombudsman ay nagbigay ng parusa ng dismissal sa serbisyo na may kasamang pagkansela ng eligibility, forfeiture ng retirement benefits maliban sa naipon na leave credits, at perpetual disqualification para sa reemployment sa government service.

Sinabi ng CHED na ang dismissal ay nagmula sa mga reklamo ng umano’y rekomendasyon ng nepotic appointment ng kanyang mga kamag-anak sa ilalim ng kanyang agarang pangangasiwa.

Bago siya hinirang na CHED Commissioner, sinabi ng CHED na si Libre noong 2019 ay napatunayan ng Civil Service Commission Davao Region, na guilty sa grave misconduct, serious dishonesty, at guilty rin sa fabrication of official documents.

Ang nasabing desisyon ay itinaas sa Civil Service Commission, ngunit sa kabila nito, si Libre ay itinalaga pa rin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang CHED Commissioner noong Pebrero 9, 2022.