-- Advertisements --

Kinumpirma ni Ukraine President Volodymyr Zelensky na tinamaan ng drone attack ng Russia ang sirang nuclear power plant sa Chernobyl nitong gabi ng Huwebes, local time.

Ayon kay Zelensky, tumama ang Russian attack drone na may high-explosive warhead sa isang shelter na pomoprotekta sa mundo mula sa radiation mula sa napinsalang 4th power unit.

Sinabi naman ng Ukraine’s State Emergency Service na nananatiling nasa normal limits ang radiation mula sa nuclear plant.

Inihayag din ni Zelensky na ang konkretong shelter na humaharang sa unit ay napinsala at ang apoy na sumiklab ay naapula na rin bagamat significant aniya ang pinsala sa shelter base sa initial assessment.

Una rito, ang tinamaan na Unit 4 sa Chernobyl malapit sa border ng Ukraine sa Belarus ay sumabog noong 1986.

Samantala, nangyari naman ang pag-atake ilang oras bago ang pagsisimula ng high-level Munich Security Conference sa Germany kung saan nakatakdang makipagkita si US Vice President JD Vance kay Zelensky.

Ito ay sa gitna ng pasabog na anunsiyo ni US President Donald Trump na agarang pagsisimula ng negosasyon para waksan ang giyera sa Ukraine matapos ang produktibong pag-uusap nila ni Russian President Vladimir Putin nitong Miyerkules.