-- Advertisements --
Kasparov vs So (Blitz game 2016)

Patuloy ang pagbuhos ng pagbati kay Pinoy super Grandmaster Wesley So matapos na tanghalin bilang bagong U.S. chess champion.

Kabilang sa maraming bumati ay ang dating Russian world chess champion at legend na si Garry Kasparov.

Sa kanyang Twitter message sinabi ni Kasparov hindi madali ang maging kampeon at kailangan ang matinding sipag at tiyaga.

Garry Kasparov
“Congratulations to Wesley So, the new US champion! It wasn’t easy, but hard work paid off for the world #2.”

Una rito tinalo ni So sa dalawang game na tie breaker ang dating U.S. champion na si GM Alexander Onischuk (2667) na ginanap sa Chess Club and Scholastic Center of Saint Louis sa Missouri.

Dahil dito, napagwagian ni So (2822) ang cash prize na katumbas ng halos P2.5 million.

Sa ngayon kahanay na rin ni Wesley ang mga nagawa ng mga US chess grandmasters na sina Hikaru Nakamura at Fabiano Caruana na dati ring naging kampeon at nasa world’s Top 10.

Si Caruana ay dating No.2 sa mundo pero nalampasan na ni So.

Aminado ang 23-anyos na tubong Bacoor, Cavite na hangad talaga niyang makuha ang titulo dahil sa isa ito sa pinakamalakas na national championships sa buong mundo.

Aniya, ang mga bigating US players ay naging kampeon din.

“I really wanted to win this title because it means a lot. Obviously it’s one of the strongest or the strongest national championship in the world – probably only Russia can complete,” pahayag ni So sa Star Tribune.

Naniniwala naman ang ilang mga observers na darating ang panahon ay posibleng lumaban na sa world championship match si Wesley upang harapin ang world’s No. 1 mula sa Norway na si Magnus Carlsen.

Noong nakaraang taon sa chess championship ay tinalo ni Wesley si Carlsen habang sa World Chess Olympiad ay nagawang maitabla niya ang laban.

Ang 2017 U.S. Championship ay sinalihan ng 12-players kung saan sumabak sa round-robin tournament na kinatatampukan ng strongest players ngayon sa Amerika.

Dati siyang Philippine chess champion noong 2010 at 2011 at naging malaking kontrobersiya ang iringan niya noon sa ilang local chess officials.

Sa ngayon naglalaro na si Wesley sa ilalim ng bandila ng Amerika.

Sa pagtanggap niya ng award sa U.S. Championship ay nagsuot ng barong Tagalog si Wesley upang iparamdam pa rin na hindi niya nakakalimutan ang Pilipinas.

Kung maalala bago pa man ang US Chess Championships, naging kampeon din si So sa torneyo sa ProChess, Sinquefield Cup, London Chess Classic, Grand Chess tour, Tata Steel championship nitong nakalipas na Enero at nakasungkit ng gold medal sa World Chess Olympiad.

Narito pa ang ilang pagbati kay Wesley:

US Chess
“He’s done it! @iWesley_So is the 2017 US Champion! Congratulations to Wesley on an incredible performance #USChessChamps”

Carsten Hansen
“#USChessChamps Congratulations to Wesley So the new champion after today’s play-off vs Onischuk”

Toast Dispatch
“@CCSCSL Wesly So, has been crowned the 2017 US Chess Champion. A rather cheeky T by Mr. So.#USChessChamps”

Sinabi naman ni Grandmaster Maurice Ashley na sa panahon ngayon ay mahirap ng matalo si Wesley.

Mula noong nakaraang Hulyo sa nakaraang taon sumabak na sa 67 games si So at hindi pa ito natatalo.

Ang nasabing unbeaten streak ay maituturing na isa sa pinakamahaba sa kasaysayan ng chess.

“So is very hard to beat, very levelheaded, very practical, and he’s growing in front of us. Imagine how strong he’s going to be in two years,” ani Ashley.