Ibinulsa ni grandmaster Wesley So ang kampeonato sa kauna-unahang Clutch Chess Champions Showdown nitong Sabado.
Batay sa website ng US Chess Champs, nagtapos sa isang 9-9 stalemate si So sa kalabang si world no. 2 GM Fabiano Caruana sa kanilang huling match, ngunit unang natapos si So makaraang makuha ang tiebreaker.
Inuwi ni So ang tumataginting na $40,000 o katumbas ng P2.01-milyon.
“Today was up and down but I am so relieved on the final outcome, as in a two-game blitz match anything can happen. I’ve had the opportunity to play some of the strongest players, Hikaru Nakamura and Fabiano Caruana, in this new tournament,” wika ni So.
Bagama’t aminado si So na nahirapan ito noong semifinals kay Nakamura, bumawi naman ito sa Day 2 kung saan wagi ito sa rounds 7, 8 at 9, at kalaunan ay ang laban na mismo.
Ang Clutch Chess, ayon sa St. Louis Public Radio sa Missouri, ay panibagong online tournament na nilikha para gawin umanong mas “dynamic” ang multigame match sa pamamagitan ng paggawad ng dalawang puntos sa panalo sa halfway point, at tatlong puntos sa panalo sa dulo.
Taliwas umano ito sa nakagisnan sapagkat isang puntos lang ang nakukuha ng winner sa isang single chess game, zero sa talunan, at kalahating puntos sa draw.
“This means that a match would effectively be over by the time one player won more than 50% of the games,” dagdag nito.