Mistulang lalo pang naging mailap para sa Chicago Bulls na makapagbulsa ng panalo, matapos itong muling tambakan ng Boston Celtics, 124 – 97.
Ito na ang ikalimang sunod na pagkatalo ng Bulls at ika-14 na kabuuang pagkatalo sa unang 20 games ng 2023 – 2024 season.
Sa naturang laro, umabot lamang sa 19 points ang pinakamataas na individual score, sa pamamagitan nina Coby White at DeMar DeRozan.
Sumandal muli ang Boston sa 30 points 8 rebounds ni Jaylen Brown at 21 points 7 rebounds ni Jayson tatum sa kanilang naging panalo.
Hindi nagawa ng Bulls na tumbasan ang depensang ipinakita ng Boston, lalo na sa rebounding kung saan 52 rebounds ang nagawa ng Boston na agawin habang 37 lamang ang nakuha ng Bulls.
Sinamantala rin ng Boston ang 3-pt lane matapos magpasok ng 21 3-pointers mula dito habang 9 3-pointers lamang ang naging kasagutan ng Bulls.
Sa kasalukuyan, hawak ng Boston ang 14-4 na kartada.