-- Advertisements --

Lumasap na rin ng kanilang unang talo ngayong bagong NBA season ang Chicago Bulls makaraang pahiyain ng New York Knicks, 104-103.

Dahil dito parehas na ang kartada ng dalawang magkaribal na team na may tig-apat na panalo at isang talo.

Nanguna sa isang puntos na panalo ng Knicks si Kemba Walker na may 21 points na sinuportahan naman ni Julius Randle na nagtala ng 13 points, 16 rebounds at 9 assists.

Habang sa Bulls muling namayagpag sa kanyang laro si Zach LaVine na nagtapos sa 25 puntos, eight rebounds at six assists sa kabila na may dinaranas na torn ligament sa kanyang kaliwang hinlalaki.

Nasayang din ang malaking tulong nina Nikola Vucevic na nagpakita ng 22 points at si DeMar DeRozan na nagdagdag ng 20 points para Chicago.

Bago ang nasabing laro nagposte ang Bulls ng 4-0 start bilang kanilang best record mula noong 1996-97.