-- Advertisements --

Kasabay ng kanyang ika-70 kaarawan ngayong araw, bumaba na rin sa kanyang pwesto bilang punong mahistrado ng Korte Suprema si Justice Lucas Bersamin.

Si Bersamin ang ikalawang chief justice appointee ng administrasyong Duterte matapos nitong palitan si Justice Teresita Leonardo-De Castro na umupo sa nabakanteng pwesto ng pinatalsik na si Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Ilan sa mga pangako noon ni Bersamin nang umupo ang paglilinis sa ranggo ng hudikatura, gayundin ang panghihikayat sa law students na ipaabot ang legal assistance sa mga mahihirap.

Tinarget din nitong silipin at mabago ang ilang laman ng Rules of Court at panuntunan sa Bar Examinations.

Pero isa mga pinaka-mabigat na hamong hinarap ni Bersamin sa kanyang 11-buwang panunungkulan ay ang electoral protest ni dating Sen. Bongbong Marcos laban kay Vice Pres. Leni Robredo.

Ito’y matapos kumalat ang ulat na planado na ang magiging boto ng mga justices pabor kay Marcos.

Inamin naman ng retiradong justice na sinadya ang delay para malayo ang desisyon sa maling spekulasyon.

Bago naging chief justice, siyam na taong associate justice ng SC si Bersamin kung saan nilagdaan nito ang mga desisyong pabor sa pagpapawalang sala sa plunder case ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, martial law extension at paglilipat ng labi ni dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Isa rin ito sa mga bumoto pabor sa pagpapatalsik kay Sereno.

Sa kabila nito nais ni Bersamin na maalala siya bilang chief justice na nagbalik sa katatagan ng Korte Suprema.

Sa ngayon may 90 araw ang pangulo para mamili sa tatlong shortlisted associate justices bilang susunod na punong mahistrado.