CEBU CITY – Sa kulungan ang bagsak ng isang chief of police matapos na pinatulog sa kanyang opisina ang isang dalagang drug suspect sa loob ng tatlong linggo.
Kinilala ang naaresto na si Major Edilfonso Miranda, ang chief of police ng Argao Police Station sa probinsiya ng Cebu, habang ang drug suspect ay kinilalang si Jane Claudia Villanueva, 23, na taga-Barangay Kasay, bayan ng Dalaguete, Cebu at nakulong matapos na makuhanan ng shabu sa isinagawang buy bust operation noong buwan ng Agosto sa nakaraang taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Staff Sergeant Roy Repolidon ng Argao PNP, sinabi nitong laking gulat nila nang inaresto ang kanilang hepe kagabi ng mga tauhan ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG), Regional Investigation and Detection Management Branch, at Regional Special Operations Group ng Police Regional Office (PRO-7), kasama ang nasabing drug suspect.
Ayon kay Repolidon, magmula raw kasi na naging hepe nila si Miranda sa loob ng tatlong linggo ay doon na sa loob ng opisina nito nananatili ang drug suspect imbes na sa kanilang detention cell.
Wala rin umanong alam ang pulisya ng Argao PNP kung sino ang nakapagbigay ng impormasyon sa PRO-7 sa ginagawa ng kanilang hepe dahil sila mismo ay takot na magsumbong.
Dagdag pa ng desk officer sa kuwento raw ng ilan, mistulang-beauty queen ang ganda ng nasabing drug suspect at umano’y napaka-sexy na kahit sinong lalaki ay baka raw mabihag nito.
Habang iginiit ni Cebu Provincial Police Office director Col. Roderick Mariano na malaki ang posibilidad na matanggal sa serbisyo ang nasabing hepe dahil sa paglabag ng kanilang protocol sa paghawak ng mga persons under police custody (PUPCs).
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng IMEG ang arestadong hepe habang isinasagawa ang imbestigasyon.