Sinibak na sa pwesto ang chief of police ng General Trias, Cavite, na si Lt. Col. Marlo Solero matapos mapatunayang nagsinungaling ito na hindi nila pinag-pumping exercise ang mga hinuling quarantine violators kabilang na rito ang nasawi na si Darren Manaog Penaredondo.
Batay sa isinagawang pag-iimbestiga ng mismong police provincial director ng Cavite na si Col. Marlon Santos, nabatid na dalawa sa quarantine violators ang nagsabi na talagang pinag-pumping sila ng dalawang pulis ng General Trias na sinibak na rin sa pwesto habang ongoing ang investigation.
Ang mga ito ay kasalukuyang nasa kustodiya ng provincial director.
Personal namang nakipagkita si Col. Santos sa dalawang ECQ violators na sumaksi na talagang pinag-pumping sila ng dalawang pulis.
Siniguro ng police provincial director ang seguridad ng dalawa.
Ayon kay PNP spokesperson B/Gen. Ildibrandi Usana, ang Cavite Police Provincial Office ang nag-iimbestiga sa administrative at criminal cases kaugnay sa insidente.
Paliwanag ni Usana, ang nasabing hakbang ay patunay na hindi tino-tolerate ng PNP ang mga maling gawain ng mga pulis.
Kinilala ni Usana ang dalawang pulis na nag-utos para mag pumping exercises si Darren Penaredondo ay sina Cpl. Jerome Vibar at Cpl. Kenneth Mercene.
Nilinaw naman ni Usana na ang physical exercises ay hindi bawal, mahalaga ito para sa kalusugan ng lahat, subalit kung mayroong excessive physical exercise ay delikado na ito lalo na kung may karamdaman ang isang indibidwal.