Sinibak sa pwesto ang chief of police ng Jolo Municipal Police Station dahil sa command responsibility matapos mangyari ang madugong pagpatay sa dalawang army officers at dalawang enlisted personnel.
Nilinaw naman ni Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) regional police director B/Gen. Manuel Abu na walang kinalaman ang pagsibak sa Jolo chief of police sa panawagan ni Philippine Army chief Lt. Gen. Gilbert Gapay na dapat sibakin ang police commanders doon matapos ang insidente.
Sinabi ni Abu, ang pag-relieve sa pwesto kay Jolo chief of police, Lt. Col. Walter Annayo ay alinsunod sa protocols na umiiral sa PNP.
Nasa kustodiya na ngayon ng Sulu Provincial Police Office si Annayo.
Habang pansamantalang itinalaga naman sa pwesto bilang OIC ng Jolo PNP si Lt. Col. Filmore Calib.
Sinabi naman ni Abu na sa ngayon wala pang kautusan kung sisibakin din sa pwesto si Sulu Provincial Police director Col. Michael Bawayan.