LAOAG CITY – Agad sinibak sa pwesto ang chief of police ng PNP-Batac matapos ang inisyal na imbestigasyon na isinagawa ng Ilocos Norte Police Provincial Office (INPPO) hinggil sa alegasyon laban sa kanya at sa mga kasamahan.
Kinumpirma mismo ito ni PCol. Christopher Abrahano, acting provincial director ng Ilocos Norte PNP.
Ito ay hinggil sa umano’y pag-inom ni PLt. Col. Reynaldo Michael Agoncillo II at mga tauhan sa isang restobar at pananakit sa isang entertainer sa Barangay Billo-ca sa nasabing lungsod.
Sinabi ni Abrahano na nakita nilang may pagkukulang ang hepe sa kanyang trabaho bilang pinuno ng nasabing himpilan.
Siniguro naman ni Abrahano na magiging patas ang kanilang gagawing imbestigasyon at kung mapapatunayan aniya ang akusasyon ay maaari itong matanggal sa serbisyo.
Una nang pinabulaanan ni Agoncillo na hindi sila pumunta sa restobar at walang nangyaring pananakit kundi nagrespode lamang sila sa isang gulo.