Pumanaw nitong Biyernes ang chief of staff ng presidente ng Nigeria dahil sa komplikasyon sa coronavirus disease (COVID-19).
Sa anunsyo ng tanggapan ni President Muhammadu Buhari nitong Sabado, bago raw dapuan ng COVID-19 si Abba Kyari, dumaranas na rin ito ng diabetes.
Sinasabing noong Marso 24 umano nang madapuan si Kyari ng deadly virus.
Bago ito, bumiyahe si Kyari patungong Germany nitong unang bahagi ng Marso kasama ang delegasyon ng iba pang mga Nigerian officials para sa pulong kasama ang Siemens AG.
Nakipagpulong din ito sa mga senior government officials nang makabalik na ito ng Nigeria bago ma-diagnose na may coronavirus.
“The deceased had tested positive to the ravaging COVID-19, and had been receiving treatment. But he died on Friday, April 17, 2020,” pahayag ni presidency spokesman Garba Shehu sa isang tweet.
Sa pinakahuling datos mula sa Nigeria Centre for Disease Control, mayroon nang halos 500 kupirmadong kaso ng COVID-19 sa nasabing bansa, at may 17 namatay dahil sa sakit. (Reuters)