Humarap na ang Chief-of-staff ng Office of the Vice President na si Atty. Zuleika Lopez sa ikaanim na pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability ngayong araw.
Kasunod ito ng pagbiyahe ni Lopez sa Amerika sa loob ng dalawang linggo at matapos ma-isyuhan ng subpoena ng komite.
Ito ang unang pagkakataon na dumalo sa imbestigasyon si Lopez upang sagutin ang mga alegasyon hinggil sa umano’y maling paggamit ng confidential funds ng tanggapan ni Vice President Sara Duterte.
Mababatid na sa nakalipas na pagdinig ay sinasabing kasama si Lopez sa “inner circle” ni VP Sara na may kontrol sa confidential funds ng OVP.
Samantala, nakumpirma sa pagdinig na nabigo ang mga awtoridad na maisilbi ang contempt order laban sa apat na opisyal ng OVP dahil sila ay nasa official travel.
Ito ay sina Special Disbursement Officer Gina Acosta, dating DepEd SDO Edward Fajarda, Dating Assistant Secretary Sunshine Fajarda at Assistant Chief-of-staff Lemuel Ortonio na chairman ng bids and awards committee.