Pinawalang sala ng Sandiganbayan Third Division ngayong araw si dating Senate president at ngayon ay Chief Presidential Legal Counsel na si Juan Ponce Enrile para sa kasong plunder.
Ang kasong ito ay may kinalaman sa P172-million plunder case na inihain sa kanila na may kaugnayan sa pork barrel scam.
Kabilang sa pinawalang sala ng Sandiganbayan ang dating chief of staff ni Enrile na si Jessica “Gigi” Reyes at ang tinaguriang Pork Barrel Queen na si Janet Lim Napoles.
Batay sa desisyon ng anti-graft court, sinabi nito na nabigo ang state prosecutors na patunayang guilty si Enrile at iba pang akusado.
Sampung taon ang itinagal ng kaso matapos na sabihin ng Office of the Ombudsman na sapat ang mga ebidensya para sampahan ng kaso si Enrile, Reyes, Napoles, at iba pang indibidwal sa Sandiganbayan.
Inakusahan si Enrile na mali nitong nagamit ang kanyang Priority Development Assistance Fund.
Ikinatuwa naman ng kampo ni Enrile ang pagpapawalang sala sa kaniyang kaso.