CENTRAL MINDANAO-Namahagi ng food packs ang ChildFund Philippines katuwang ang Hauman (Halad Uma Alang sa Nasod) Association Inc. sa Alamada, Cotabato.
Ito ay bilang bahagi ng kanilang Building Capacity, Awareness, Advocacy and Programs o ChildFund-BuildCA2P Project.
Ang proyekto ay naglalayong mapabuti ang kapasidad ng mga Civil Society Organizations (CSOs) na mas maunawaan at matugunan ang usapin hinggil sa child labor at para na ding itaguyod ang mas angkop na trabaho sa crop agriculture tulad ng saging, niyog, mais at bigas sa Mindanao.
Naging legal basis sa pagbuo ng BuildCA2P Project ang RA 9231 o ang Elimination of the Worst Forms of Child Labor and Affording Stronger Protection for Working Child Act, United Nations Convention on the Rights of the Child at International Labor Organization (ILO) Conventions 182 o employment minimum age at 138 o occupational cancer convention.
Nasa 442 na pamilya sa Brgy Pigcawaran Alamada Cotabato ang nabigyan ng food packs kabilang ang kalahating sako ng bigas, 1 tray ng itlog, 1kg ng mantika, laundry soap at mga hygiene kits.
Nabigyan rin nito ang 553 pamilya sa Brgy Dado sa bayan parin ng Alamada.
Laking tuwa naman ng mga benepisyaryo dahil malaking tulong umano ito sa kanilang pamilya ngayong patuloy pa din ang krisis na dulot ng COVID-19.
Nagpapasalamat naman ang lokal na pamahalaan ng Alamada sa dalawang grupo dahil sa tulong na ibinahagi nito sa mga residente ng bayan.
Matatandaan na una nang nabigyan ang nasa 108 familya sa Brgy. Dualing at 85 familya sa Brgy. Katalicanan sa bayan naman ng Aleosan Cotabato ng kaparehong ayuda sa ilalim pa din ng ChildFund-BUILDCA2P Project.