-- Advertisements --

Lalo pang lumakas ang panawagan na wakasan na ang child labor sa bansa, kasunod ng pagtutok ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa naturang problema.

Una rito ay inilunsad ng DSWD ang Strategic Helpdesks for Information, Education, Livelihood, and Other Developmental Interventions o SHIELD against child labor program.

Ang naturang programa ay may layuning tuldukan ang paggamit sa mga bata o sapilitang pagpapatrabaho sa mga bata, na nagiging dahilan ng kanilang pagkaka-expose sa hindi magandang sitwasyon, pagkasira ng kanilang kalusugan at paglaki, kasama na ang epekto sa kanilang pag-aaral.

Ayon kay SHIELD Against Child Labor Focal person Maribel Barcenas, nakapaloob dito ang ilang komprehensibong programa at serbisyo na nakikitang pipigil sa child labor, katulad ng intervention ng pamahalaan at regular na diyalogo sa mga komyunidad.

Maliban dito, makakatanggap din ng tulong pang-edukasyon at pangkabuhayan ang mga natukoy o profiled child laborer sa bansa.

Kasabay nito ay puspusan aniya ang monitoring sa lahat ng rehiyon upang mabantayan ito, kasama na ang mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensiya ng pamahalaan.

Ayon kay Barcenas, karapatan ng mga bata na mabuhay na malaya at ligtas mula sa anumang uri ng sapilitang pagtatrabaho, at tungkulin ng mga magulang at ng pamahalaan na maprotektahan ang naturang karapatan.