Nag-isyu ang China ng isang regulasyon na nagsusulong para sa pag-aresto ng mga dayuhan sa kanilang inaangking karagatan kasunod ng matagumpay na civilian mission ng 100 bangka ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Base sa naturang regulatory document ng China na magiging epektibo sa Hunyo, maaari umanong ikulong ng China Coast Guard ng hanggang 60 araw nang hindi dumadaan sa paglilitis ang sinumang mga dayuhan na iligal na dumadaan sa borders ng China.
Sa ngayon wala pa namang inilalabas na kumpirmasyon o detalye ang Chinese Embassy sa Maynila kaugnay sa napaulat na inilabas na regulasyon.
Samantala, tinawag naman ni PCG spokesperson for the WPS Comm. Jay tarriela ang direktiba ng China na ilegal.
Sa palagay nito hindi seryoso ang China sa pag-aresto ng mga sibilyan sa lugar dahil maraming apektadong bansa gaya ng Vietnam, Malaysia at Indonesia na maaaring bumatikos sa naturang aksiyon ng China.
Maliban pa dito, sinabi din ni Tarriela na maaari itong ikonsidera na harassment kung aarestuhin ng China ang mga sibilyan mula sa ibang mga bansa dahil base sa international law at 1982 UN Convention on the Law of the Sea mayroong sovereign rights ang bansa sa nasabing karagatan.
Wala din aniyang ganoong sovereign rights ang China para i-justify ang pag-aresto sa mga Pilipinong mangingisda.
Sinabi din ng PCG official na ang panibagong hakbang ng China ay isang pananakot lamang para i-discourage ang ganitong mga inisyatibo ng mga civili society sa WPS.