Agad na inactivate ng China partikular na ng kanilang Embahada na nakabase sa Pilipinas ang bagong emergency mechanism matapos maaresto ang 79 na Chinese national sa sinalakay na pabrika sa lalawigan ng Bulacana nitong araw ng Huwebes.
Sa isang statement, sinabi ng Chinese Embassy na dumulog si Ambassador Huang Xilian at iba pang lider ng embahada sa mga opisyal ng Pilipinas para siguruhin ang kaligtasan at karapatan ng naarestong Chinese nationals.
Kaugnay nito, hinimok ng embahada ang Pilipinas na pangasiwaan ang kaso nang alinsunod sa batas at ganap na protektahan ang lehitimong karapatan at interest ng Chinese nationals.
Una rito, naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 79 na Chinese nationals, kung saan nasa 36 sa kanila ang napaulat na undocumented habang 23 ang mayroon lamang tourist visa.
Nagtratrabaho ang mga nadakip na Chinese sa Shanxi Hydraulic Engineering construction company na nagsusuplay ng water pipes sa water concessionaires.
Nilinaw naman ng CEO ng kompaniya na si Zhang Hong Tao na pinoproseso na nila ang ilan pa sa mga dokumento ng mga empleyado nilang Chinese national. Batay kasi sa batas sa PH, lahat ng dayuhan ay minamandatong magkaroon muna ng work visa mula sa Bureau of immigration bago makapagtrabaho.
Ang pagkaaresto sa mga dayuhang Chinese ay kasunod ng pagpapaigting pa ng DFA sa panuntunan nito para sa pag-isyu ng tourist visa sa mga Chinese national noong Mayo matapos madiskubre ang ilang insidente ng ilegal na pagkuha ng mga pasaporte at visa na ginagamit para sa ilegal na pagpasok at overstay ng mga dayuhan dito sa Pilipinas.