-- Advertisements --

Nagkasundo umano ang panig ng Pilipinas partikular na ng Armed Forces of the Philippines-Western Command (AFP WESCOM) at mga awtoridad ng China sa “new model” para sa pamamahala ng sitwasyon sa Ayungin Shoal sa unang bahagi ng 2024 matapos ang ilang serye ng diskusyon.

Ito ang tugon ng Chinese Embassy to the Philippines sa inilabas nitong statement ngayong Sabado sa kanilang FB page sa pagtanggi ng ilang senior officials ng gobyerno ng Pilipinas na nakipag-negotiate ang Marcos administration at nagkaroon umano ng kasunduan sa China kaugnay sa arrangement para sa pangangasiwa sa isyu sa Ayungin.

Sinabi pa ng Embahada na sa naturang pag-uusap, makailang ulit umanong kinumpirma ng AFP WESCOM na inaprubahan ang naturang “new model” ng lahat ng key official sa PH chain of command kabilang ang Secretary of National Defense at National Security Advisor.

Ang bawat detalye umano ng komunikasyon at negosasyong ito ay nasa record ng panig ng China.

Sa katunayan aniya, noong ika-5 ng Hulyo 2023, nag-courtesy call ang Chinese Ambassador to the Philippines kay Defense Sec. Gilberto Teodoro Jr. sa Camp Aguinaldo kung saan nagpalitan umano sila ng pananaw sa military relations ng China at Pilipinas gayundin ang tungkol sa maritime issues at iba pang mga usapin.

Sa pagpupulong umano na ito, naipalaam sa panig ng Pilipinas ang tungkol sa gentleman’s agreement para sa pamamahala sa Ayungin shoal. Ang readouts umano ng naturang pulong ay kapwa inilabas ng DND at Chinese Embassy sa Maynila.

Samantala, una naman ng sinabi ni Defense Sec. Gilberto Teodoro sa isang statement noong Abril 27 na wala itong nalalaman o kasama ito sa anumang internal agreement sa China kaugnay sa Ayungin shoal simula ng maupo sa pwesto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Gayundin, itinanggi ng National Security Council ang claims ng China kaugnay sa umano’y new model at tinawag itong “new invention” ng China.

Iginiit din nito na ang Ayungin shoal ay parte ng exclusive economic zone ng Pilipinas kayat hindi aniya papayag ang bansa sa anumang kasunduan na makakalabag sa ating konstitusyon o sa international law.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na komento ang kampo ng AFP kaugnay sa panibagong rebelasyon ng Chinese Embassy.