Nagkasundo ang Pilipinas at China na pagbutihin pa ang komunikasyon at ang kalmadong pagtugon sa maritime disputes sa pinagtatalunang karagatan kabilang ang West PH Sea ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Ito ay kasunod ng prangka at produktibong pag-uusap sa pagitan ng mga top diplomat ng Pilipinas at China para mapahupa ang sitwasyon sa mahahalagang waterway sa idinaos na bilateral consultation sa disputed waters.
Ayon sa DFA, napagkasunduan ng dalawang panig na kalmadong tugunan ang mga maritime incidents sa pamamagitan ng diplomasiya at nagkasundo rin na mahalaga ang pagpapatuloy ng dayalogo para mapanatili ang kapayapaan at istabilidad sa karagatan.
Gayundin, nagkasundo ang PH at China na pagbutihin ang komunikasyon sa pagitan ng foreign ministries at coast guards ng dalawang bansa.
Iprinisenta din anita ng dalawang panig ang kani-kanilang posisyon sa Ayungin shoal at tiniyak sa bawat isa ang kanilang mutual commitment para maiwasan ang pagigting pa ng tensiyon.
Saklaw din ng pagpupulong ng mga opisyal ng 2 bansa ang posibleng academic exchanges sa maritime scientific research.
Una rito, noon lamang araw ng Lunes, ipinatawag ng China ang PH Ambassador na nakabase sa Beijing matapos magpaabot ng pagbati si Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa bagong halal na Pangulo ng Taiwan na si Lai Ching-te na nagbunsod ng babala ng Chinese Foreign Ministry sa gobyerno ng PH na huwag makipaglaro sa apoy kaugnay sa isyu sa Taiwan na itinuturing ng China na bahagi ng kanilang teritoryo.
Subalit nanindigan naman ang PH na nananatiling committed ito sa One China Policy na nagsasaad na iginagalang ng bansa ang posisyon ng Beijing na isang mahlagang bahagi ng teritoryo nito ang Taiwan.