-- Advertisements --

Muling binalaan ng China ang Pilipinas sa alyansa nito sa Amerika sa gitna ng panibagong hakbang ng dalawang bansa na pagpapahusay pa ng military cooperation kasabay ng pagbisita sa bansa ni US Defense chief Pete Hegseth.

Inakusahan ng higanteng bansa ang PH at US na pinapalala umano ng mga ito ang tensiyon sa rehiyon.

Pinuna din ni Chinese Foreign Ministry spokesman Guo Jiakun ang kamakailang pahayag mula kay Hegseth na kasalukuyang nasa 2-day visit sa bansa at nanawagan sa Pilipinas na itigil ang paglikha ng aniya’y ‘instability’.

Anuman aniya ang kooperasyong mayroon ang US at PH, hindi dapat nito i-target o sirain ang anumang third party, iwasan ang pagpapakalat ng mga akusasyon sa mga kathang-isip na banta para mag-udyok ng komprontasyon sa kaalyado nito at magpasidhi ng tensyon sa rehiyon.

Ikinatuwiran pa ng Chinese official na ang kalayaan sa paglalayag at pagpapalipad ay hindi kailanman problema sa pinagtatalunang karaagatan.

Sa halip, inakusahan niya ang Amerika bilang isa sa umano’y nagsusulsol sa mga probokasyon ng mga kaalyado nito na tinawag ng China na banta at i-claim na isang concern ang freedom of navigation sa contested region.

Binatikos din nito ang US sa pagpapadala ng mas marami pang military resource sa rehiyon na nakakasira umano sa kapayapaan at stability.

Una rito, nitong Biyernes, Marso 28 kasabay ng pagbisita ni Hegseth sa Pilipinas, pinagtibay niya ang commitment ng Amerika na pagpapahusay pa ng military alliance sa PH at pagdedeploy ng karagdagang advanced military capabilities para sa joint training.