-- Advertisements --
image 6

Bumwelta ang China sa isang ulat ng Estados Unidos na di umano’y gumagastos ito ng bilyun-bilyong dolyar taun-taon para manipulahin ang mga impormasyon.

Ayon sa inilabas na pahayag ng tagapagsalita ng Chinese Foreign Ministry na si Wang Wenbin bilang tugon sa US State Department’s Global Engagement Center Special Report, na nagsabi na ang Beijing ay nagpapakalat ng “false or biased” information upang mag-promote ng positive views sa kanilang bansa at Chinese Communist Party.

Ani Wang, mismong ang ulat ng US Department of State ang “disinformation” dahil sa maling pagpapakalat nito ng impormasyon. Sa katunayan aniya, ang Estados Unidos ang nag-imbento ng pag-armas sa global information space.

Inihayag rin ni Wang na ang US State Department ay bahagi ng propaganda at infiltration sa ngalan ng ‘global engagement’ at source din daw ito ng disinformation at command center ng perception warfare.

Matatandaan na sa report ng US, sinabi nito na pinipigilan ng China ang impormasyon na sumasalungat sa kanilang mga salaysay sa mga isyu kabilang ang Taiwan, mga gawi nito sa karapatang pantao, West Philippine Sea, domestic economy, at international economic engagement.