-- Advertisements --

Iniulat ng Philippine Coast Guard (PCG) ang panibagong pagharang ng China Coast Guard (CCG) sa mga personnel nito na tutulong sana sa isang Filipino fishing vessel habang nasa West Philippine Sea.

Una kasing natanggap ng PCG ang isang distress call mula sa Pinoy fishing vessel, 70 nautical miles timog-kanluran ng Silanguin Island, Zambales.

Isa sa mga mangingisda sa naturang bangka ay namatay habang nasa gitna ng karagatan.

Ayon kay PCG spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela, tinangka ng BRP Cabra na magsagawa ng retrieval operation ngunit pinilit umano silang pigilan ng barko ng CCG na CCG-3304. Kinalaunan, nakalusot din ang Cabra ngunit sinundan pa rin ito ng naturang barko.

Matapos makaalpas mula sa barko ng China, tumuloy ang BRP Cabra sa kinaroroonan ng namatay na Pinoy at tuluyan ding narecover ang ang katawan pabalik sa Subic, Zambales.

Sa ilang oras na umalis ang BRP Cabra mula sa posisyon nito, pumalit ang BRP Teresa Magbanua na nagbantay sa karagatan, kaharap ang mas malalaking barko ng CCG.