Iginiit ni Foreign Affairs Sec. Teodoro “Teddyboy” Locsin Jr. na maaaring sabihin ng China ang lahat nitong gustong sabihin kaugnay sa pagbangga ng Chinese vessel sa bangka ng mga mangingisdang Pilipino sa Recto Bank basta susundin ng Pilipinas ang batas sa karagatan.
Magugunitang itinanggi ng China na “hit-and-run” ang nangyari matapos iwanan ng Chinese vessel ang mga Pilipinong palutang-lutang na matapos lumubog ang kanilang bangka sa pagkakabangga.
Inihayag din ng China na pinalibutan ng mga bangka ng mga mangingisdang Pilipino ang Chinese vessel na bumangga kaya umalis na lamang sa lugar.
Sa kanyang Twitter message, sinabi ni Sec. Locsin na maging ang Pilipinas ay malaya ring magpahayag ng gustong sabihin pero naaayon ito sa “law of the sea.”
Una ng naghain ng diplomatic protest si Sec. Locsin laban sa China at hinihintay pa ang tugon rito ng Beijing.