Ibinunyag ng mga mangingisda mula sa coastal town ng Zambales ang lalo pang paglapit ng mga barko ng China Coast Guard (CCG) sa dalampasigan ng probinsya ng Zambales.
Ito ay sa gitna ng idineklara ng China na unilateral fishing ban at anti-trespassing policy nito sa West Philippine Sea na sumasaklaw din hanggang sa mga common fishing ground ng mga Pilipinong mangingisda.
Ayon kay New Masinloc Fishermen Association President Leonardo Cuaresma, nitong weekend ay natanaw ng maraming mga mangingisda ang mga barko ng China malapit sa bayan ng masinloc. Tinataya ang layo ng mga ito na 30 nautical miles.
Bago nito aniya ay hanggang 40 nautical miles ang layo ng mga Chinese ship mula sa dalampasigan o pampang ng Masinloc.
Naaalarma si Cuaresma na lalo pang lumalapit ang mga barko sa dalampasigan ng Zambales at tuluyang iniipit ang mga magsasaka.
Maalalang sa pagsisimula ng bagong regulasyon ng China na paghuli sa mga mangingisda na umanoy nanghihimasok sa mga karagatan na inaangkin nito ay naunang umapela ang mga mangingisda ng naturang lugar ng regular na presensya ng mga barko ng Philippine Coast Guard sa lugar, upang aalalay ang mga ito sa mga mangingisda.
Mula noong June 15 kung kailan sinimulan ang pagpapatupad dito, wala pang napapaulat na hinuling mangingisdang Pilipino na nagawi o nangisda sa West Philippine Sea.