Patuloy ang pagsasagawa ng mapanganib na maniobra ng mga barko ng China laban sa Philippine Coast Guard vessel na BRP Cabra sa katubigan ng Pilipinas malapit sa Zambales nitong hapon ng Lunes, Abril 7.
Sa isang post sa X, iniulat ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na maraming beses tinangkang banggain ng CCG-3302 ang likurang parte ng BRP Cabra.
Sinundan pa ito ng pagdedeploy ng China Coast Guard ng mas maliit at mas mabilis na barko na CCG-21612 para lalong tangkaing banggain ang PCG vessel.
Sa kabila ng mga agresibong aksiyon, matagumpay na naiwasan ang reckless tactics ng 2 barko ng China Coast Guard dahil sa pinairal na propesyunalismo, kahinahunan at kasanayan sa paglalayag ng mga crew ng PCG.
Nagpatuloy ang BRP Cabra sa pag-challenge at pag-shadow sa CCG-3302.
Sa kabila ng patuloy na panghaharass ng barko ng China, hindi nagpapatinag ang PCG sa paggampan ng kanilang tungkulin at pananagutang pangalagaan ang mga interes sa karagatan ng bansa alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at tagubilin ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan na panatilihin ang mataas na antas ng propesyunalismo upang maiwasan ang escalation.