Sinubukan kumbinsihin ni Chinese Foreign Minister Wang Yi ang Iran na magdalawang isip sa tuluyang pagtalikod nito sa 2015 nucllear agreement kasama ang Estados Unidos at iba pang bansa.
Ito ay matapos ianunsyo ng Iran na mas lalo nilang tataasan ang produksyon ng uranium sa oras na hindi tuparin ng mga bansang kasama sa nasabing agreement ang kanilang pangako na isasalba ang Iran mula sa sanction ng US sa loob lamang ng 10 araw.
Nagbabala rin ang China sa United States na huwag subukang galawin ang tinaguriang “Pandora’s Box” ng Middle East kasunod ng pagpapadala nito ng karagdagang 1,000 sundalo sa rehiyon at paglabas nito ng larawan na di-umano’y may koneksyon ang Iran sa pagsabog ng dalawang oil tanker sa Oman.
Pinagsabihan naman ni Wang ang dalawang kampo na huwag magpadalos-dalos sa kanilang mga aksyon. Aniya, hindi makakatulong sa paglutas ng problema kung patuloy na tatakutin ng Estados Unidos ang Iran.
Samantala, sinigurado naman ni Iranian President Hassan Rouhani na hindi ito maghahamon ng gyera sa kahit anong bansa sa kabila ng pagpapadala ng US ng mas marami pang bilang ng kanilang militar upang magsilbing bantay sa mga susunod na hakbang ng Iran.
Ayon kay Rouhani, bigo umano ang ginagawa ng Amerika na ipitin ang kanilang bansa dahil ang mga pulitiko raw na sinusubukan silang pabagsakin ay walang masyadong karanasan sa pulitika.