Nagbabala si Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio kaugnay ng posibleng maging epekto sa paninindigan ng Pilipinas sa West Philippine Sea, kung isasama ni Pangulong Rodrigo Duterte sa State of the Nation Address (SONA) ang fishing deal sa China.
Ayon kay Carpio, magiging hudyat ito na lehitimo na ang kasunduan na dati ay verbal lamang, sa pagitan nina Duterte at Chinese President Xi Jin Ping.
Ginawa ng senior justice ang pahayag, kasabay ng paggunita sa ikatlong anibersaryo ng The Hague ruling, kung saan ibinasura ang claim ng China sa “nine dash line” area sa South China Sea, kung saan sinasakop na nila maging ang hanggang sa halos dalampasigan ng mga isla ng Pilipinas.
Para kay Carpio, anumang sasabihin ng Presidente ay nagiging national policy at kung dehado ang bansa ay magiging pasanin na ito hanggang sa darating na panahon.
“The moment he makes that statement in the SONA, it is a final confirmation that that verbal agreement is now a legal agreement binding on the Philippines and China,” wika ni Carpio.