Ibinunyag ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na gumagamit ang mga Tsinong mangingisda ng cyanide sa Bajo de Masinloc para intensyonal na sirain ang traditional fishing grounds ng mga Pilipinong mangingisda upang hindi makapangisda sa lugar.
Kinumpirma ni BFAR chief information officer Nazario Briguera na sa kanilang pagpapatrolya nadiskubre na ilang parte ng lagoon na masagana sa yamang dagat ay nasira na.
Nakatakda namang i-assess ng BFAR ang halaga ng pinsala dahil sa cyanide fishing subalit ayon kay Briguera tinatyanag ito ay lalagpas sa bilyong-peso.
Sinabi naman ng BFAR official na isang seryosong concern ito na kailangang kondenahin dahil kapag gumamit ng lason gaya ng cyanide hindi lamang ang mga species ang mamamatay kundi maging ang fish larvae at corals.
Batay sa datos ng BFAR, aabot sa 395,300 Pilipinong mangingisda ang nakadepende sa WPS para sa kanilang kabuhayan.
Kung saan umaabot sa 275,520 metric tons ang kanilang nahuhuling isda kada taon na nasa pagitan ng 6 at 7 porsyento ng buong sektor ng pangisdaan ng PH.
Samantala, ayon kay Briguera ang paggamit ng China ng cyanide lalo na sa lugar na lagpas sa kanilang exclusive economic zone ay malinaw na kaso ng illegal, unreported at undocumented fishing.
Una ng sinabi ng DOJ na inihahanda na nila ang mga dokumento at ebidensiy para maghain ng kaso laban sa mga aktibidad ng China na nakakakompormiso sa marine environment sa WPS.