-- Advertisements --

Ibinunyag ng Philippine Coast Guard na gumamit muli ang China ng long-range acoustic device (LRAD) sa huling harassment na ginawa sa mga barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Ayon kay PCG spokesman for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, sa unang pagkakataon ay ginamit ng CCG-3103 na nasa WPS ang LRAD laban sa mga barko ng Pilipinas na naroon sa naturang karagatan.

Idinetalye ni Tarriela ang aniya’y malalakas na tunog na narinig ng mga crew ng barko ng Pilipinas na may potensyal na sirain ang pandinig. Ayon kay Tarriela, nagdudulot ito ng pananakit sa tenga at pansamantalang pagkabingi.

Maalalang nitong nakalipas na linggo ay muling hinaras ng mas malaking Chinese vessel ang BRP Cabra na naka-istasyon sa naturang karagatan.

Ang BRP Cabra ang ilang araw nang humaharap sa mas malalaking barko ng China na ipinapasok sa Exclusive Economic Zone(EEZ) ng Pilipinas.

Ayon kay Tarriela, sa kabila ng panibagong pangugulo ng People’s Liberation Army-Navy ay nananatili pa rin ang presensiya ng Cabra sa naturang karagatan.

Hanggang sa ngayon, nananatili rin ang CCG-3103 sa naturang lugar.