Gumamit ang China Coast Guard (CCG) sa kauna-unahang pagkakataon ng nakakamatay na high-pressure water cannon sa 2 barko ng Pilipinas habang nagpapatrolya at nagsasagawa ng resupply mission para sa mga mangingisdang Pilipino sa Panatag shoal.
Ayon kay PCG spokesperson for the West PH Sea Commodore Jay Tarriela, gumamit ang CCG ng jet stream pressure sa pagbomba ng water cannon na sobrang nakapalakas na sumira sa steel railing at nayupi ang frame ng canopy sa barko ng PCG na BRP Bagacay.
Dahil din sa tindi ng pressure ng water cannon ng China, nasira ang heating, ventilation at air conditioning maging ang electrical, navigation at radio systems ng barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na BRP Bankaw.
Sa kabutihang palad, wala namang mga Pilipinong crew at mga mamamahayag na Pilipino at dayuhan na kasamang lulan sa mga barko ng PH ang nasugatan sa naturang agresibong pag-atake ng CCG noong Martes.
Samantala, sinabi pa ni Comm. Tarriela na hindi aniya nagdalawang-isip ang CCG na gumamit ng brutal na pwersa sa paglabag sa international law.
Bagamat hindi pa aniya ito maituturing na armadong pag-atake dahil water cannon lamang ang ginamit ng China.
Matatandaan naman na una ng sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maaaring iinvoke ng PH ang Mutual Defense Treaty nito sa Pilipinas kapag napatay ang isang Filipino sailor o miyembro ng militar sa pinagtatalunang karagatan kabilang ang West Philippine Sea.
Sa ilalim kasi ng MDT na nilagdaan noong 1951, nagkasundo ang PH at US na sumaklolo sa isa’t isa sakali mang magkaroon ng armadong pag-atake sa mga sasakyang pandagat ng mga tropa o sasakyang panghimpapawid sa nasabing karagatan.