Mas lalong umiinit ang tensyon sa pagitan ng China at Estados Unidos matapos ipag-utos ng una ang pagpapasara sa konsulada ng huli sa western city ng Chengdu.
Ang hakbang na ito ay bilang tugon ng Chinese government sa Trump administration na unang nag-utos na pagpapasara sa konsulada nito sa Houston., Texas dahilan upang umapela ang Chinese foreign ministry sa Washington na bawiin ang kanilang desisyon.
Nagpatung-patong na kasi ang gusot sa pagitan ng dalawang bansa, tulad na lamang ng isyu sa trade insudtry, pangangasiwa sa coronavirus pandemic, teknolohiya at maging ang akusasyon ng US sa pagpapadala umano ng Beijing sa bansa ng kanilang mga espiya.
Kasama na rito ang kontrobersyal na national security law ng China sa Hongkong at mga laegasyon na pang-aabuso ng China sa Chinese ethnic Muslims.
“The measure taken by China is a legitimate and necessary response to the unjustified act by the United States,” saad ng foreign ministry sa isang pahayag.
“The current situation in Chinese-U.S. relations is not what China desires to see. The United States is responsible for all this. We once again urge the United States to immediately retract its wrong decision and create necessary conditions for bringing the bilateral relationship back on track,”
Kahapon lamang nang aminin ng White House na inutusan nito ang China na tuluyan nang isara ang consulate ng nasabing bansa na matatagpuan sa Houston, Texas.
Sa isang pahayag, sinabi ni State Department spokesperson Morgan Ortagus na ang pagpapasara ng konsulada ay upang protektahan ang intellectual property ng Amerika maging ang mga pribadong impormasyon ng mamamayan nito.
Alinsunod na rin umano sa Vienna Convention na walang karapatan ang China na mangialam sa internal affairs ng Amerika.
Binigyang-diin din ni Secretary of State Mike Pompeo, na kasalukuyang nasa Denmark, ang di-umano’y dalawang Chinese hackers na sinubukang nakawin ang COVID-19 development research ng bansa.
Hindi na rin nakapagpigil si Republican Senator Marco Rubio na ipahayag ang kaniyang pananaw sa nangyayari. Sa isang tweet sinabi nito na ang konsulada ng China sa Houston ay hindi umano isang diplomatic facility. Ito raw ay isang central node ng mga espiya mula Communist Party of China at sinusubukang impluwensyahan ang operasyon ng US.
Matatagpuan ang US Embassy sa Beijing habang ang limang consulate naman nito ay makikita sa Shanghai, Guangzhou, Chengdu, Shenyang at Wuhan.