Nakahandang ipagpatuloy ng China ang pakikipag-usap sa Pilipinas kaugnay sa maritime dispute sa pinagtatalunang karagatan kabilang ang West Philippine Sea ayon sa Chinese Embassy sa Maynila.
Ito ay sa pamamagitan aniya ng dayalogo at konsultasyon. Kaakibat din aniya ng paninindigan sa maritime stability sa rehiyon, umaasa ito na makikipagkita at gagawa ng joint efforts ang Pillipinas kasama ang China para magsimula ng negosasyon sa naturang inisyatibo sa lalong madaling panahon.
Ginawa ng Embahada ang pahayag ilang araw matapos ang kamakailan lamang na pagharang at pambobomba ng tubig o water cannon ng China Coast Guard sa resupply vessel ng Pilipinas sa may Ayungin shoal sa West Philippine Sea.
Ayon pa sa embahada, palaging committed ang China sa pagpapanatili ng kapayapaan at istabilidad sa pinagtatalunang karagatan.
Aniya, mananatiling malapit na karatig bansa ang Pilipinas at China at ang kaayusan at istabilidad sa disputed waters ang nagsisilbing common interest ng dalawang bansa gayundin ng lahat ng mga bansa sa rehiyon.