Tuloy-tuloy pa rin sa paglobo ang bilang ng mga namamatay dahil sa Wuhan coronavirus na umakyat na sa 132, habang nasa 5,974 na ang kumpirmadong kaso na mga nahawaan.
Ang naturang bilang ay ipinalabas ng National Health Commission ng China.
Liban dito nadagdagan din ang mga bansa kung saan kumalat na rin ang virus na umabot na sa 17 mga bansa.
Samantala, handa namang magpaimbestiga ang China sa World Health Organization (WHO) sa pagkalat ng bagong coronavirus.
Ito mismo ang naging pahayag ni Chinese President Xi Jinping nang personal siyang makipagpulong kay World Health Organization Director General Tedros Adhanom sa Beijing.
Sinabi ng Chinese President patuloy ang pagpapalabas ng kaniyang gobyerno ng epidemic information para maging “transparent at responsable.”
Tiniyak din ng Chinese President na prayoridad nila ang buhay at kalusugan ng kanilang mamamayan.
Inaasahan naman na makakasama ng WHO na magtutungo sa China lalo na sa epicenter ng sakit sa Wuhan ang ilang US health officials mula sa mga eksperto sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC) para imbestigahan ang outbreak ng nasabing virus.
Ayon kay US Health and Human Service Secretary Alex Azar, na inaasahan na ilang staff ng CDC ang makakasama ng WHO para tumulong sa pag-contain sa naturang malaking problema.