Handang makipagtulungan ang gobyerno ng China sa Pilipinas sa paglaban sa mga krimen partikular na may kinalaman sa offshore gaming operations.
Ginawa ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Guo Jiakun ang naturang pahayag kasunod ng kamakailang pagkakaaresto ng mahigit 450 indibidwal kabilang ang 137 Chinese nationals sa Manila.
Kung saan sinalakay ang umano’y offshore gaming operator na pinapatakbo ng Chinese national na pinaniniwalaang sangkot sa scam operations na nakatuon sa sports betting at investment fraud.
Muling nanindigan din ang China sa posisyon nito na paghimok sa mga Chinese national na nasa ibang bansa na striktong sundin ang mga lokal na batas at iwasang masangkot sa mga iligal na aktibidad.
Hinikayat din ng China ang Pilipinas na tuluyang lansagin ang salot dulot ng offshore gambling sa lalong madaling panahon.
Nanawagan din ang China sa Pilipinas na pairalin ang law enforcement sa makatarungang paraan at siguruhin ang lehitimong karapatan at interes ng mga Chinese national na nasa PH.
Matatandaan na sa nakalipas na mga taon, tuluy-tuloy ang ginagawang mga hakbang ng gobyerno ng Pilipinas para ma-regulate ang operasyon ng POGOs sa bansa hanggang sa tuluyan na itong ipagbawal ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong nakalipas na taon dahil sa mga kinasasangkutang krimen ng mga ito tulad ng human trafficking at scams kung saan maraming mga Chinese nationals ang naaresto at nasagip ang ilang daang mga biktimang Pilipino at iba pang mga dayuhan.