Ikinalugod ng China ang deklarasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang ikatlong SONA na pagbabawal ng lahat ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) epektibo noong araw ng Lunes, Hulyo 22.
Sa isang statement mula sa hindi pinangalanang tagapagsalita ng Chinese Embassy sa Pilipinas, sinabi nito na naniniwala silang ang naturang desisyon ay sumasalamin sa panawagan ng mga mamamayang Pilipino at tumutugon sa parehong interes ng mamamayan ng China at PH.
Sinabi din ng opisyal ng Chinese Embassy na ilang taon na umanong nananawagan ang Embahada sa gobyerno ng PH na ipasara ang POGOs.
Aniya, ipinagbabawal sa batas ng China ang lahat ng uri ng pagsusugal.
Mahigpit din aniya ang ginagawang paglansag ng gobyerno ng China sa mga mamamayang Tsino na sangkot sa mga negosyo ng pagsusugal sa ibang bansa gaya ng POGO.
Nagbubunga din aniya ang POGO ng seryosong mga krimen at lubhang nakakasira sa interes ng parehong mamamayan ng China at PH.
Kaugnay nito, nakahanda umano ang China na ipagpatuloy ang matatag na law enforcement cooperation nito sa PH at mas mapahusay pa ang pagprotekta sa kaligtasan at kapakanan ng mamamayan ng 2 bansa.