Umaasa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na mananahimik at walang gagawing anumang mapanghamong aksyon ang China sa kasagsagan ng mga aktibidad ng Balikatan Exercises 2024 sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Ito ay kasunod ng napaulat na pagdami ng bilang ng mga barko ng China sa West Philippine Sea kung saan ilan pa sa mga ito ay namataan sa mga lugar na pagdarausan ng naturang pagsasanay makaraang magsimula ang naturang joint military exercises ng Pilipinas kasama ang iba pang mga kaalyado nating mga bansa .
Ayon kay Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea, Commo. Roy Vincent Trinidad, matagal nang panawagan sa China na igalang at sumunod sa International Law kung kaya’t inaasahan na wala ito gagawing anumang hakbang na makakapagpataas pa ng tensyon sa naturang pinag-aagawang teritoryo.
Gayunpaman ay tiniyak din ng naturang opisyal na may mga nakalatag na rin silang kaukulang mga hakbang sakaling magkaroon man ng tangkang panggugulo ang China sa ikakasang military exercises.
Samantala, ngayong Linggo ay matatunghayan ang sabayang pagpapatrulya ng mga barko ng Pilipinas, Amerika, Australia at France sa karagatang sakop ng Pilipinas bilang bahagi ng naturang pinakamalaking iteration ng Balikatan Exercises.