Inakusahan ng China ang barko ng Pilipinas na pumasok ng walang pahintulot sa karagatang nasasakupan nila.
Kasunod ito sa ginawang pagtataboy ng barko ng Chinese Coast Guard sa mga supply boat ng mga bansa na magdadala ng mga pagkain sa mga sundalong nakatalaga sa Ayungin Shoal.
Sinabi ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Zhao Lijian na ang dalawang supply boats umano ng Pilipinas ay pumasok sa karagatang malapit sa Renai Jiao ng Nansha Qundao o ang tawag sa China sa Ayungin Shoal.
Ginawa lamang umano ng Chinese Coast Guard ang kanilang trabaho kaya binugahan nila ng tubig gamit ang water cannon ang mga supply boat ng bansa.
Nagkakaroon na umano ng pag-uusap ang Pilipinas at China sa nasabing pangyayari.
Magugunitang ikinagalit ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teodoro Locsin ang ginawang ito ng China at sinabing hindi dapat magpaalam ang Pilipinas dahil sa teritoryo pa rin ito ng bansa.