Inamin na ng China ang ginagawa nitong joint military at naval drill kasama ang bansang Russia sa katimogang bahagi nito na tinawag na Joint Sea-2024.
Batay sa inilabas na statement ng Chinese Defense Ministry, sinimulan ng dalawang bansa ang military drill noon pang ‘early July’ at magtatagal hanggang sa kalagitnaan ng kasalukuyang buwan.
Malaking bahagi ng naturang drill ay isinasagawa sa katubigan at himpapawid ng Zhanjiang City, sa Timog ng Guangdong province kung saan ipinapakita dito ng dalawang bansa ang kapabilidad na tugunan ang mga banta sa karagatan.
Ipinapakita rin umano nito ang kakayanan ng dalawang bansa na magkasamang panatilihin ang global at regional peace and stability.
Ayon pa sa naturang ministro, ang military drill ay isinasagawa, salig sa taunang plano ng China at Russia na magkaroon ng military engagement.
Kalakip ng naturang drill ay ang pagdating at pagkumpulan ng mga missile destroyers, guided missile frigates, suppliers, at iba pang military equipment sa Southern coast ng China.
Inanunsyo ito ng China, kasunod na rin ng nangyaring pagpupulong sa pagitan ng mga lider ng National Atlantic Treaty Organization (NATO) sa Washington, kung saan ay muling pinagtibay ng mga kasaping bansa ang suporta nila sa Ukraine.
Sa naturang pagpupulong ay naglabas din ang NATO ng isang statement kung saan tinawag nito ang China bilang ‘decisive enabler’ sa ginagawang paglusob ng Russia sa Ukraine.
Ang naturang military drill ay kasabay na rin ng naunang nagsimulang drill sa pagitan ng China at Belarus, isa ring kilalang kaalyado ng Russia.