Sa halip na magpakumbaba ay isinisi pa ng China sa ating bansa ang dahilan kung bakit nila tinutukan ng military-grade laser light ang BRP Malapascua ng Philippine Coast Guard malapit sa katubigan ng Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.
Ito ang ipinahayag ng Chinese Foreign Ministry matapos na almahan ng ilang opisyal sa ating bansa ang panibagong pangbu-bully ng mga Chinese Coast Guard na nagsanhi sa pansamantalang pagkabulag ng ating mga coast guard na maghahatid lang sana ng supply sa mga sundalong Pilpino na naka-post sa Ayungin Shoal.
Ayon kay Chinese Ministry of Foreign Affairs Spokesperson Wang Wenbin, ang Pilipinas daw ang unang nanghimasok sa teritoryo ng China.
Bahagi raw kasi ng kanilang teritoryo sa Spratley’s Island ang Second Thomas Shoal kung saan naroroon ang Philippine Coast Guard nang mangyari ang naturang insidente.
Aniya, ito ay nakasalaig sa Domestic Law ng kanilang bansa, at gayundin sa International Law kabilang na sa United Nations Convention on the Law and the Sea (UNCLOS) na pumoprotekta sa soberanya, at maritime order ng China.
Sa naturang pahayag ay sinabi pa ng naturang Chinese official na umaasa ang China na irerespeto at igagalang daw ng Pilipinas ang kanilang territorial sovereignty at maritime right sa West Philippine Sea.
Kasabay nito ay binigyang-diin din ng nasabing bansa na iwasan daw natin na gumawa ng anumang hakbang na maaaring makapagpalala pa sa sitwasyon sa naturang lugar sa gitna ng patuloy na pag-uusap ng Pilipinas at China sa pamamagitan ng mga diplomatic chanels.
“We hope the Philippine side will respect China’s territorial sovereignty and maritime rights and interests in the South China Sea and avoid taking any actions that may exacerbate disputes and complicate the situation. China and the Philippines are in communication on this through diplomatic channels,” ani Chinese Ministry of Foreign Affairs Spokesperson Wang Wenbin.
Bagay na mariing kinondena ng Armed Forces of the Philippines at Department of National Defense dahil naging offensive at hindi ligtas ang ginawang ito ng China.
Ayon kay National Defense Secretary Carlito Galvez Jr., nakakagalit ang ginawa ng nasabing bansa.
Habang sa bukod na pahayag naman ay sinabi ni AFP Spokesperson Col. Medel Aguilar na napapanahon na para sa Chinese Government na pigilan ang kanilang pwersa upang hindi na maulit pa ang ginawang provocative act nito na maglalagay aniya sa panganib ng buhay ng ibang tao.
“The Secretary of National Defense (Senior Undersecretary Carlito Galvez Jr.) has already declared or said that the act committed by the Coast (Guard) of China is offensive and unsafe. Therefore, I think it is time for the Chinese government to restrain its forces so it does not commit any provocative act that will endanger lives of people,” ayon naman kay Col. Medel Aguilar, AFP spokesperson.
Kung maalala, una rito ay isiniwalat ng PCG na noong February 6, 2023, ay tinutukan ng Chinese Coast Guard vessel na may bow number 5205 ng isang military grade laser light ang BRP Malapascua vessel na nagdulot ng 55 segundong pansamantalang pagkabulag ng ating mga coast guard.
Bukod dito ay sinasabing dalawang beses silang tinutukan ng mga ito ng green laser light at pagkatapos ay binuntutan pa raw sila sa kanilang paglalayag na para sa military rotation at resupply mission sa Philippine Navy sa Ayungin Shoal.