Sa halip na umamin at magpakumbaba, ay matapang pang dinepensahan ng China ang mga alegasyon ng panibagong pang haharass ng China Coast Guard sa Philippine Coast Guard sa West Philippine Sea.
Ito ay matapos na isiwalat ng PCG na mayroong 11 mga barko ng China ang kanilang namataan sa Ayungin shoal at tinangka itong harangin upang hindi makapasok doon.
Sa kaniyang pahayag ay dinepensahan ni Chinese Foreign Ministry Spokesperson Wang Wenbin ang naging aksyon na ito ng China Coast Guard kasabay ng pag-aakusa na ang PCG daw mismo ang nanghihimasok sa Ren’ai reef o Scarborough shoal nang wala aniyang pahintulot.
Paliwanag niya, ang Ren’ai reef O Scarborough shoal na pinangyarihan ng naturang initan sa pagitan ng China Coast Guard at PCG noong Hunyo 30, 2023 ay bahagi ng Nansha Island ng China.
Giit pa nito, ang mga tauhan ng China Coast Guard ay pawang mga propesyonal at well trained, at ang naging aksyon aniya ng mga ito ay naaayon sa batas na nagtataguyod sa territorial sovereignty at maritime order ng kanilang bansa.
Kung maaalala, una nang nagpahayag ng pagkabahala ang PCG sa naging aksyon ng China lalo na noong may namataan pa itong dalawang People’s Liberation Army Navy vessel ng nasabing bansa sa Ayungin shoal na itinuturing na ngayong humanitarian area kung kaya’t nakakapagtataka kung bakit anila may mga barkong pandigma sa lugar.
Matatandaan din na bukod sa tangkang panghaharang ay nakatanggap din ng radio challenge ang Pilipinas mula sa China na tinugunan din ng pcg ng radio challenge na nagsasabing wala dapat ang China Coast Guard sa lugar dahil bahagi iyon ng exclusive economic zone ng Pilipinas.