-- Advertisements --

Itinanggi ng China ang alegasyong pag-hack nito sa telepono ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez.

Ito ay matapos sabihin ni Amb. Romualdez sa isang forum sa Americal University School International Service sa Washington noong nakaraang linggo na kinailangan niyang palitan ang kaniyang phone nang 4 o 5 beses matapos itong targeten ng Chinese hacker.

Nanindigan din ang PH envoy na ang phone hackings sa US ay kagagawan umano ng Chinese hackers kung saan isa siya sa tinarget base sa kaniyang intel sources.

Ipinaabot na aniya ang naturang isyu kay Chinese Ambassador Huang Xilian sa isang pagpupulong na itigil na ang paghack sa kaniyang telepono dahil hindi niya afford ang palaging pagbili ng phone.

Sa isang pahayag naman, sinabi ng opisyal ng Chinese Embassy sa Manila na nang kaniyang iberipika ang naturang isyu na ipinaabot umano ni Amb. Romualdez kay Amb. Huang nagulat umano ito dahil matagal na umano silang hindi nagkita ni Amb. Romualdez.

Sinabi pa ng Chinese Embassy official na hindi din nagkausap ang 2 envoy hinggil sa Chinese hacking issues at wala umanong alam si Amb. Huang kung saan nakuha ni Amb. Romualdez ang naturang istorya.

Bagamat nilinaw ni Amb. Romualdez nang mahingan ng komento na pabiro lang niyang sinabi ang kaniyang statement sa naturang forum subalit nanindigan siyang tinarget ng Chinese hackers ang kaniyang phone.