BEIJING – Mariing itinanggi ng Defense Ministry ng China ang paratang ng Estados Unidos na nagsagawa umano ng missile tests ang Chinese military sa pinagtatalunang South China Sea.
Una rito, sinabi ng Pentagon na nakababahala raw ang nasabing missile launch at taliwas ito sa ipinangako ng Beijing na hindi raw nito isasailalim sa militarisasyon ang mga teritoryo sa nasabing karagatan.
Sa pahayag ng tanggapan, nagsagawa lamang daw sila ng routine drills sa naturang lugar at nataong kasama sa aktibidad ang pagpapaputok ng live ammunition.
“Recently, the People’s Liberation Army Southern Theatre Command arranged live ammunition firing drills in waters near Hainan island in accordance with annual exercise arrangements,” pahayag ng ministry.
Binigyang-diin din ng defense ministry na hindi nakatutok sa alinmang bansa ang kanilang missile tests.
Matatandaang makailang ulit nang nagpatutsadahan ang Tsina at Estados Unidos tungkol sa umano’y militarisasyon ng Beijing sa South China Sea sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga military installations sa mga artipisyal na isla sa lugar. (Reuters)