Itinanggi ng China ang umano’y pakikialam nito sa nalalapit na midterm elections sa Pilipinas sa Mayo 2025.
Ayon kay Chinese Foreign Ministry Spokesperson Guo Jiakun, sinusunod ng China ang prinsipyo ng “non-interference” o hindi panghihimasok sa mga usapin ng ibang bansa.
‘China follows the principle of non-interference in other countries’ domestic affairs,’ pahayag ni Guo Jiakun.
‘We have no interest in interfering in Philippine elections,’ dagdag pa nito.
Ang pahayag ay kasunod ng paglalantad ng National Security Council (NSC) na may mga indikasyong may operasyon ng China na layong impluwensyahan ang resulta ng halalan.
Ayon kay NSC Assistant Director General Jonathan Malaya, may mga lumalabas na propaganda mula Beijing na pinalalakas ng mga proxy o third-party groups. Aniya, may mga kandidatong tinatarget umano ng disinformation campaigns.
Patuloy na binabantayan ng mga awtoridad ang isyu habang papalapit ang eleksyon sa Mayo.