Kinakasangkapan ng China ang kasinungalingan at fake news para malihis ang atensiyon mula sa kanilang iligal na aksiyon, provocative behavior at bullying tactics sa West Philippine Sea para igiit ang kanilang iligal na dashed line map maging ang kanilang sariling Communist Party ay nalilito kung ito ba ay 9,10,11 o 12 dashed line.
Ito ang naging matapang na pahayag ni Philippine Coast Guard spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela kasunod ng inilathalang artikulo ng official state news agency ng People’s Republic of China na nag-aakusa sa Pilipinas na gumagamit umano ng selective disclosure at cherry-picking facts o pagpili lamang ng mga impormasyong pabor sa bansa.
Inakusahan din ng naturang Chinese news agency ang US at Japan ng pag-impluwensiya umano sa pananaw ng publiko kaugnay sa sitwasyon sa WPS na pabor sa Pilipinas.
Pagdating aniya sa media ethics, mailalarawan umano ang core o kaibuturan ng public relations tactic ng Pilipinas bilang selective disclosure o cherry-picking facts kung saan nagpapakabiktima umano ang PH bilang balatkayo sa tunay na intensiyon para malihis ang atensiyon mula sa mga probokasyon at paglabag sa soberaniya ng China.
Subalit iginiit ng PCG official na ang China ang siyang gumagawa nito para panindigan ang bullying tactics nito sa WPS.