-- Advertisements --

Kinumpirma ng militar ng China nitong Martes na nagsagawa sila ng malawakang military exercise gamit ang kanilang mga army, navy, air at rocket forces, sa paligid ng Taiwan.

Ayon sa China, layunin ng mga drills na ito na magsanay ng isang blockade o pagkubkob sa self-ruled na isla.

Ito’y kasunod ng patuloy na pagkilala ng China na bahagi ng kanilang teritoryo ang Taiwan at sinabing patuloy na itinataguyod ang posibilidad ng paggamit ng puwersa upang ma-control ito.

Pinalakas pa ng Beijing ang kanilang presensya ng magpadala ito ng mga fighter jets at naval vessels sa paligid ng Taiwan upang ipakita ang kanilang pag-angkin sa soberenya ng Taiwan, isang bagay na mariing tinututulan ng Taipei.

Ayon kay Senior Colonel Shi Yi, tagapagsalita ng Chinese military Eastern Theater Command, ang layunin ng mga drills ay magbigay ng matinding babala laban sa mga umano’y taong naglulunsad ng independensya ng Taiwan.

Matatandaang noong nakaraang buwan, tinawag ni Taiwan President Lai Ching-te ang China bilang isang “dayuhang kalaban” at iminungkahi ang mga hakbang upang labanan ang mga isyu ng Chinese espionage at panghihimasok sa kanilang bansa.